Panahon na bumangon, mga kababayan
Matagal na tayong nagbubulag-bulagan
Buksan natin ang ating mga mata’t pagmasdan
Ang tunay na kalagayan ng ating bayan
Patayan dito, korapsyon doon ang araw-araw na balita
Dahil sa droga, napakaraming buhay na ang nasisira
Biktima lahat – mahirap, mayaman, matanda man o bata
Walang mabuti itong naidudulot sa ating kapwa
Kaya naman tinutulak ng ating pamahalaan
Isabatas muli ang parusang kamatayan
Isang desperadong mosyon para krimen ay mabawasan
Ngunit ito ba ay ang tamang paraan?
Kapag nagkamali ba ang tao ay wala na siyang halaga?
Tandaan, ang tao’y hindi lamang katawan; tayo’y may kaluluwa
Kapag may karahasang nangyari, tayo ay biktima
Ngunit ang pagpatay sa mga nagkamali ay hindi hustisya
Halaga ba natin ay parang kagamitan?
Kapag may problema ay itatapon na lang sa basurahan?
Tao tayo, may pagkakamali, sadyang may kahinaan
Pero kahit ganoon, kaya natin magbago basta tayo’y matulungan
Tulong-tulong tayo patibayin ang sistema ng hustisya
Upang maranasan natin ang seguridad ng bawat isa
Tanging parusang kamatayan lamang ang dapat maibasura
Sa usapin ng buhay o kamatayan, wala tayong karapatan magdikta