02 June 2011

SULONG, LABAN, KAPWA KO KABATAAN

SULONG, LABAN, KAPWA KO KABATAAN
Ni: John B. Juat

Sulong, laban, kapwa ko kabataan
Tayo’y tinawag na sumama sa isang digmaan
Digmaan laban sa pagsira ng pamilya at maling kaisipan
Huwag tayong mag-alala, tayo rin ay mapakikinggan

Ang diborsyo daw ay siyang kailangan
Sa mag-asawang matindi ang alitan
Anong nangyari sa pagmamahalan?
Ang kasal ay hindi na pinahahalagahan

Ang diborsyo ay direktang paglabag sa banal na kautusan
Sinisira nito ang pamilya at ng kanilang pagsasamahan
Paano ang mga anak at ang kanilang kinabukasan?
Hindi ba’t lahat ay nadadaan sa mabuting usapan?

Ang diborsyo raw ay para sa kababaihan
Ngunit tila may mali sa sinasabi nilang "katotohanan"
Sila’y minamaliit, at tila nagiging isang kagamitan
Sulong, laban, kabataan, sila’y ating protektahan

Ano ngayon kung tayo na lang ang bansang walang diborsyo
At ito’y legal na sa bawat sulok ng mundo?
Dapat nga ito ipagmalaki ng bawat Pilipino
Na tayo’y isang bansang may matatag na prinsipyo

Sabi nila, kumukontra lang raw ang mga Katoliko
Ngunit hindi. Ito’y abuso at mapanganib sa sinumang tao
Huwag natin payagang diktahan pa tayo ng maling payo
Kung sisirain natin ang pamilya, paano pa kaya tayo aasenso?

Simulan natin sa ating sarili ang pagbabago
At tiyak kabutihan ang ating matatamo
Dapat hindi ito maipasa sa kongreso
Ibasura na lang ang panukalang ito

Sulong, laban, kabataan, huwag tayong susuko
Mayroon tayong gabay, at iyan ay si Kristo
Sundan natin si Hesus; Siya’y ating mabuting ehemplo
Ipaglaban natin ang pamilya, tiyak wala tayong talo

No comments:

Post a Comment