21 November 2011

Aking Kagustuhan Para sa Minamahal na Bayan

Aking Kagustuhan Para sa Minamahal na Bayan 
Ni: John Walter B. Juat


Sana ay ating maranasan
Pagbabago sa ating inang bayan
Marami na ang nasayang at pinabayaan
Matagal na panahon na ang nagdaan
Na sana ay ating pinakinabangan
Panahon na para tayo'y maging mabuting mamamayan

Sa inyong mga nasa pamahalaan
Sana kayo ay maging tapat, plataporma'y panindigan
Sa mga panukalang-batas, bago lagdaan
Sana ay suriin ng mabuti at tingnan
Ano ba talaga ang nilalaman?
Ito ba ay talagang kailangan?
Nakabubuti ba ito sa taong-bayan?
Binoto namin kayo noong halalan
Sana'y tungkulin ninyo ay inyong gampanan
Lahat naman ng isyu ay kayang tugunan
Basta ang pondo ay tamang nakalaan
Mga proyekto ng gobyerno, ating suportahan
At mga batas ay ating buong pusong sundan
Ating mga opisyal na hinalal, ating pagkatiwalaan
Upang ang bansa natin ay magabayan
Tungo sa totoong kaunlaran

Sa ating mga pamilyang kinabibilangan
Sana matuto tayong magmahalan
Buhay ng sanggol ay ating alagaan
Mula sa bawat pang-aapi, sila ay protektahan
Huwag lang natin sila basta iiwan
Sa tabi ng daan, sa palikuran, sa silya ng simbahan
O kaya naman ay itapon na lang sa basurahan
Sila ay dapat lang bigyan ng mga karapatan
Dahil ginawa sila ng Diyos ayon sa Kanyang kagustuhan
Sila ay karapat-dapat na isama sa ating tahanan
Kung saan umiiral ang pagmamahalan

Sa ating mga kapwang kabataan
Tayo'y mag-aral mabuti sa paaralan
Ating edukasyon, ating pahalagahan
Huwag baliwalain ang nakukuhang karunungan
Dahil nasa atin nakasalalay ang magandang kinabukasan
Kapag mayroon tayong kailangang desisyonan
At alam natin ang katotohanan at kabutihan
Loob natin ay ating tapangan,
Huwag tayong matakot na ito'y ipaglaban

Dapat din nating bigyan pansin ang ating kapaligiran
Ang ating bansa ay puno ng likas na yaman
Napakaraming mga hayop ang lumilibot sa kagubatan
Iba't ibang mga ibon, malayang lumilipad sa kalangitan
Madami ang ating magandang dalampasigan
Sari-sari rin ang ating mga kakaibang halaman
Maraming magandang tanawin ang pwedeng puntahan
Ang mga ito ay ating mabuting ingatan
Bago pa ito mawala ng tuluyan

Sa ating lahat, tayo'y magtulungan
Upang lahat ay maiahon mula sa kahirapan
Huwag tayong masanay gumawa ng dahilan
Dahil sa katotohanan ay maraming paraan
Lahat ng problemang pinagdadaanan
Ay sadyang kayang masolusyonan
Ipakita natin sa buong mundo ang ating kagalingan
At patunayan natin na tayo ay may pinaroroonan
Hindi purkit sinabi ng mga taga-kanluran
Na mahina tayo at wala tayong patutunguhan
Ay dapat natin sila paniwalaan!
Ang Pilipinas ay atin, hindi sa mga dayuhan!
Kaya natin ito, kaya natin malagpasan
Pati ang ibang bansang nasa unahan
Dahil sa aking puso at isipan
May pag-asa ang Pilipinas, aking lupang sinilangan