21 July 2011

MENSAHE KAY PANGULONG AQUINO

MENSAHE KAY PANGULONG AQUINO
Gawa ni: John Walter B. Juat


Pangulong Aquino, sana ay maliwanag sa iyo
Na kami ay sumusuporta sa iyong mga proyekto
Hindi tayo magkaaway, iisa ang ating gusto
Na umunlad ang ating bansa, at magkaisa ang bawat Pilipino

Intindihin mo sana na delikado ang RH bill sa bawat tao
Iniiba nito ang ating pag-iisip, ugali ay binabago
Pakinggan ninyo kaming mga kabataan, mahal na pangulo
Hindi tamang solusyon sa ating problema ang RH bill na ito

Intindihin mo sana, Pangulong Aquino
Ikaw ang presidente ng bansa, ikaw dapat ang modelo
Bigyan sana ng halaga ang pamilya, at tayo ay aasenso
Huwag tayong magmadali, ang pag-unlad ay hindi biglaang proseso

Imbis na RH bill ang pagtuunan ng pansin sa kongreso
Alamin na lang sana kung saan pumupunta ang pondo
Ang tamang alokasyon ng pera ay makakatulong ng husto
Sa patuloy na pag-unlad ng ating lupang pinangako

Malinaw sana na hindi kaaway ang simbahang Katoliko
Muslim pa man o Kristiyano, dapat tulungan ang gobyerno
Sama sama tayong magsikap, huwag puro ikaw o ako
Dahil wala tayong maaabot kung kanya kanya tayo

Napakarami ang nagugutom, mahirap at walang trabaho
Ang mga isyu na ito, malungkot na aming natatamo
Ang RH bill ay nakasasama sa atin, iyan ang totoo
Mga kalat ng bill na ito, kaming kabataan ang sasalo

Kung totoo ang sabi ninyong "Kayo ang boss ko"
Huwag ninyo po pabayaan maisabatas ang panukalang ito
Ang epekto nito, parang dumating ang napakalakas na bagyo
Sisirain nito ang pamilya pati ang pagrespeto sa buhay ng tao

Makinig kayo sa aming mga kabataan, mahal na pangulong Aquino
Hindi tamang solusyon ang sa ating mga problema ang RH bill na ito

16 July 2011

Pagdurusa... Pag-asa

Pagdurusa… Pag-asa
Gawa ni: John Juat

Ang buhay nga ba ay isang pahirap
Puno ng kasamaan at ‘di maabot na pangarap
Kahit minsan ang buhay ay napakasaklap
Patuloy dapat tayo sa paglaban at pagsikap
Upang masmabuti ang hinaharap

Hindi naman pwedeng puro na lang saya
Importante rin ang minsang hirap at dusa
Upang matuto tayong lubusang magtiwala
Sa pagmamahal ng Diyos Amang dakila

Kapag ang hirap ay hindi pwedeng matanggal
Huwag tayong tumunganga lang at umangal
Tanggapin natin ito ng buong pagmamahal
Hindi lamang ito isang kabutihang asal
Isa rin itong paraan upang maging banal

Kapag ang bigat ng mundo ang ating pinapasan
At ang dusa at sakit ay tila walang hanggan
Mag lakas loob tayong gayahin si San Juan
Na siyang kumapit sa Diyos hanggang sa kamatayan

Kapag ating tanggapin ang napakaraming biyaya
Sigurado mararanasan natin ang langit dito sa lupa
Mahalin natin ang Diyos at ang kapwa
Upang sa panahong tawagin na tayo ng May Likha
Ating tititigan ang Kanyang banal na mukha

03 July 2011

Ang Tunay na Iskolar ng Bayan

Ang Tunay na Iskolar ng Bayan
Ni: John B. Juat

Ang tunay na iskolar ng bayan
Na may pakialam sa kapwa nating mamamayan
Alam na hindi RH Bill ang tunay na kasagutan
Sa problemang hinaharap ng ating lipunan

Napakaraming problema ang dapat nating tugunan
Pagpapatatag ng edukasyon ang ating pondohan
Kung kulang pa tayo ng guro, libro at paaralan
Paano natin sila bibigyan ng wastong karunungan?

Pill at condom lang ba ang halaga ng ating katawan?
Kung hindi kaya mahalin, edi huwag na pakasalan
Tayo rin ang todong maaapektuhan, tayong mga kabataan
Kaya naman natin magtimpi, disiplina lang ang kailangan

Bakit ba ang pagbubuntis ay pilit iniiwasan?
Isa ba itong sakit na nararapat mabilisang gamutan?
Ang totoo, isa itong napakalaking karangalan
Na ang babae’y makapagdalang tao sa kanyang sinapupunan

Mga taga-UP, gamitin natin ang ating taglay na katalinuhan
Huwag tayo maging parang asong sunod sunuran
Hindi purkit uso at sinabing maganda ng mga taga-kanluran
Ay totoong makabubuti sa ating minamahal na bayan

Iskolar ng bayan, buksan natin ang ating isipan
Tingnan natin mabuti ang isyu sa kabuuan
Ibasura na natin ang RH Bill bago tayo magsisi ng tuluyan
At tinataguyod ng panukalang ito ay kultura ng kamatayan

Ang tunay na iskolar ng bayan
Na may pakialam sa kapwa nating mamamayan
Alam na hindi RH Bill ang tunay na kasagutan
Sa problemang hinaharap ng ating lipunan