Tungkol Saan nga Ba ang Pasko?
Ni: John B. Juat
Mga kapatid, tungkol nga ba saan ang Pasko?
Ito ba'y tungkol sa pagdating ni Santa na maghahatid ng regalo?
Ito ba'y tungkol sa mga batang nanghihingi ng Aguinaldo?
Ito ba'y tungkol sa masasarap na bibingka't puto?
Ito ba'y tungkol sa mga kumikislap na ilaw sa bawat kanto?
Ito ba'y tungkol sa mga dami ng nakahandang pagkaing magarbo?
Ito ba'y tungkol sa karoling ng mga iba't ibang grupo?
Ito ba'y tungkol sa pagbili at pagbigay mo ng pamasko?
Ito ba'y tungkol sa simbang gabi na siyang pilit ikumpleto?
Ito ba'y tungkol sa pagtipon nina tito't tita,ninong at ninang,lola't lolo?
Ito ba'y tungkol sa dami ng regalong matatanggap mo?
Ito ba'y tungkol sa bonus at dagdag na perang natatanggap sa trabaho?
Ito ba'y tungkol sa bakasyon sa eskwelahang ilang linggo?
Ito ba'y tungkol sa mga kaliwa't kanang selebrasyong marami ang dumadalo?
Ito ba'y tungkol sa ating ginagawang mga sakripisyo?
Ito ba'y tungkol sa mga palamuting nakasabit sa puno?
Ito ba'y tungkol sa mga parol na siyang kita sa malayo?
Ito ba'y tungkol sa kabutihang nagpapataba ng ating puso?
Ito ba'y tungkol sa pagpunta sa mga pamilihan na punong puno?
Lahat ng mga ito'y hindi maling gawain kapag panahon ng Pasko
Karamihan dito ay kaugalian natin bilang mga Pilipino
Ngunit lahat ng ito ay hindi bumubuo
Sa tunay na halaga ng selebrasyon ng Pasko
Dahil ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagsilang ni Kristo
Di lamang pag-alala sa nangyari nung unang Pasko...
Ngunit ang kanyang pagsilang muli sa ating isipan at puso
No comments:
Post a Comment