Buhayin Ninyo Ako… Mahalin Ninyo Ako
by: John B. Juat
Ano ba talaga ang balak ninyo?
Karapatan ko ang mabuhay sa mundo!
Inay, itay, pakinggan ninyo ako
Nais ko makisalamuha sa mundong ito!
Hindi ko naman nais ang maging pasaway
Ayaw ko rin ang maraming kaaway
Kung ang pagmamahal ninyo ay sadyang tunay
Pagbigyan ninyo ako; hayaan ninyo akong mabuhay
Maraming tao ang hindi napagbigyan
Sana… ibigay sa akin ang mga karapatan
Ama, ina, isama ninyo ako sa inyong tahanan
Kung saan mararanasan ang pagmamahalan
Ako ay pinili ng Poong Maykapal
Kahit hindi pa isinilang, ako na ay may dangal
Sige na, ipakita sa akin ang inyong pagmamahal
At palakihin ako na may dunong at moral
Pakinggan ninyo ang aking sigaw
Ang puso ko naman ay hindi maalingasaw
Ang kagandahan ng mundo, nais ko matanaw
Pati na rin sa baybayin ay magtampisaw
Pakinggan ninyo ako, aking magulang
Gusto ko harapin ang buhay na may lakas at tapang
Gusto ko lumaking maging mabuti at magalang
Kahit mahirap, sana ako’y pagbigyan na lang
Mahal na magulang, ako’y hindi pahirap
Ako’y musmos na may magandang hinaharap
Totoo, upang palakihin ako, kailangan ninyo magsikap
Subalit buhayin ninyo ako at aabutin ko ang alapaap!
Ang buhay ko ba ay isa lamang pamahiin?
Kailan kaya, kailan kaya ako diringgin?
Mula sa panaginip, gisingin ninyo ako, gisingin
Ang tanging hiling ko ngayon ay ako’y mahalin!!!
Intindihin ninyo na ako’y may diwa’t puso
May kakayahan ako maging mabuting tao
Buhayin ninyo ako...buhayin ninyo ako
Mahalin ninyo ako…mahalin ninyo ako
Mahal na magulang, huwag na kayong magdusa
Gawin ninyo akong dahilan ng inyong ligaya
Ako’y magiging mabuti, huwag kayo mag-alala
Bigyan ako ng pagkakataon, susundin ko ang inyong panata
Pakinggan ninyo ako sa inyong puso
At maririnig ninyo ang sigaw ko
Tuparin sana ang hiling ko at ako’y mabuhay sa mundo
Alang-alang sa pagmamahal ni Kristo
No comments:
Post a Comment