21 April 2011

RH BILL, HINDI PARA SA ATING BAYAN

RH BILL, HINDI PARA SA ATING BAYAN
ni: John B Juat

Bilang isang anak at isang mamamayan
Ng ating minamahal na bayan
Mayroon akong mumunting kahilingan
Sana, kahit papaano, ako ay mapakinggan

Tingnan natin mabuti ang kapaligiran
Ano ba ang nakikita? Ano ang namamasdan?
Marami ang naghihirap, nakararanas ng kagutuman
Bakit kaya hindi parin natin sila matulungan?

Ang ating mga kapatid, ano ba ang kanilang kalagayan?
Ano ba talaga ang kanilang tunay na kailangan?
Edukasyon, pagmamahal, kalusugan at tirahan
Iyan ang dapat natin ibigay. Lahat naman ay may karapatan

Sobra na ang ating pagbubulag-bulagan
Halata naman, nararapat na sila ay ating tulungan
Para isang araw, maiahon sila mula sa kahirapan
At mabigyan sila ng magandang kinabukasan

Ngunit bakit ang RH bill patuloy na ipinaglalaban?
Hindi naman ito ang solusyon, marami naman paraan
Hindi naman nito kaya punuin ang kanilang mga tiyan
Ang tanging tinuturo nito ay maling kamalayan

Purkit malaki ang pamilya, ito na ba ay kasalanan?
O sadyang ang sarili lamang ang laman ng isipan?
Isipin natin ang kapwa natin, sila ay dapat protektahan
Hindi dungisan at mas lalong sirain ang kanilang pangalan

Ano ba ang mangyayari kung ating turuan
Ng tungkol sa seksualidad ang ating kabataan
Pamilya ang dapat magturo, huwag natin sila pangunahan
Dahil disgrasya kung ang impormasyon ay mali ang pinaggalingan

Ano na ang mangyayari sa mga kababaihan?
Sinisira ng RH bill ang kanilang katauhan
Sila ay may dignidad, hindi naman sila kagamitan
Sila ay dapat lamang na alagaan at suportahan

Itinuturo din ang pag-abuso sa ating kalayaan
Pati na rin ang sobra at maling kaalaman
Itinuturo na ang pagbubuntis ay isang sakit na dapat iwasan
Ang buong bill na ito ay puro kasinungalingan

Kung susuriin natin ng mabuti ang nilalaman
Hindi naman talaga ito ukol sa kalusugan
Hindi ito nakabubuti para sa karamihan
Kaya sana… ang bill na to ay itapon na sa basurahan

Marami na ngang problema ang kailangan solusyonan
Huwag na natin intaying lumala, huwag na natin dagdagan
Bigyan natin sila ng edukasyon at gumawa ng kabuhayan
Para sila’y makaipon kahit mumunting puhunan

Kung ang habol ng ating bayan ay kaunlaran
Ang ating kapwa mahihirap hindi dapat pinababayaan
Huwag natin isakripisyo ang moralidad para sa kayamanan
Kung hindi, ang Pilipinas ay walang patutunguhan

No comments:

Post a Comment